COTABATO CITY — Itinutulak ng mga interim lawmakers ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pagbabawal sa operasyon ng Aleson Shipping Lines Inc. (ASLI) sa rehiyon matapos lumubog ang MV Trisha Kirsten 3 malapit sa Basilan noong Enero 26 na ikinasawi na ng 33 pasahero.
Habang patuloy ang pagdadalamhati ng mga pamilya, nananawagan ang mga kaanak ng biktima sa pamahalaan na ipagpatuloy ang paghahanap sa mahigit 60 pasaherong nananatiling nawawala.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nasa 316 pasahero ang nailigtas sa insidente, subalit hindi pa malinaw ang eksaktong bilang ng mga nawawala. Sa isang online video, iginiit ng mga pamilya mula Basilan at Sulu na wala sa listahan ng mga nasagip ang kanilang mga kamag-anak.
“Kung patay man o buhay, kailangan naming makita ang aming mga mahal sa buhay upang matapos ang aming pag-aalala,” pahayag ng isang babae mula Basilan.
Pinangunahan nina BARMM Transitional Parliament members John Anthony “Jet” Lim, Jose Lorena, Nabil Tan, Don Mustapha Loong at Nurredha Misuari ang resolusyong naglalayong ipagbawal ang operasyon ng ASLI sa buong BARMM. Isinumite ang resolusyon noong Enero 30 para sa agarang pagtalakay sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament.
Sinusuportahan din ng mga mambabatas ang utos ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa Ministry of Transportation and Communications at Bangsamoro Ports Management Authority na ipatupad ang suspensyon ng operasyon ng ASLI alinsunod sa direktiba ng national agencies.
Samantala, inatasan din ni Macacua ang Ministry of the Interior and Local Government (MILG) at Ministry of Social Services and Development (MSSD) na manguna sa pagbibigay-tulong sa mga biktima. Nagtatag na ng command center sa Basilan ang dalawang ahensya upang tipunin ang datos ng mga nawawala at pabilisin ang distribusyon ng tulong sa mga apektadong pamilya. #END
News Source: The Manila Times
