CAVITE — Kinumpirma ng mga awtoridad na severe blunt force trauma sa ibabang bahagi ng katawan ang ikinasawi ng isang freshman maritime student na pinaniniwalaang biktima ng hazing sa lalawigan.


Ayon kay Cavite Police Provincial Director. PCol. Ariel Red, lumabas sa autopsy report na nagtamo ang biktima ng matinding pinsala sa katawan. Kabilang sa mga natukoy ang mga nalagas na ngipin, malalaking pasa, at matinding pamamaga sa mga binti na indikasyon ng matinding pambubugbog.
Natuklasan din umano na may bali ang panga at may mga tama sa batok ang biktima. Ang mga sugat na ito, ayon sa imbestigasyon, ay tugma sa paulit-ulit na blunt force injuries.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng insidente.
Aabot sa 21 katao ang tinutugis ng mga awtoridad dahil sa umano’y pagkakasangkot sa hazing. Tinitingnan din ang posibleng paglabag sa umiiral na Anti-Hazing Law at iba pang kaugnay na batas.
Nanawagan ang pulisya sa mga posibleng saksi na makipagtulungan upang mapabilis ang pag-usad ng kaso at matiyak na mapanagot ang mga responsable. #END
News Source: CAVITE PPO


