Ni Rex Molines
Patuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina sa ating bansa. Ayon sa Department of Energy, sapat naman ang suplay ng gasolina at wala pa raw dapat ipangamba ang publiko. Ngunit sa aktuwal na sitwasyon sa lansangan, iba ang nararanasan ng maraming Pilipino. Marami pa rin ang umiikot at naghahanap ng mga gasoline station na may mas murang bentahan ng gasolina dahil sa hirap ng araw-araw na gastusin.
Bagama’t nagsimula na ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga driver at operator, malinaw sa marami na hindi ito sapat upang matugunan ang kanilang pangangailangan. Ang sampung libong pisong ayuda ay pansamantalang ginhawa lamang. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, mabilis din itong nauubos. Kaya ang panawagan ng maraming driver at operator ay simple lamang—ibaba ang presyo ng gasolina.
Personal kong nakikita ang epekto nito sa aming pamilya. Ang kuya ko ay isang ordinaryong driver na araw-araw namamasada upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Walo ang kanyang anak at anim sa kanila ay nag-aaral. Lalo pang bumigat ang kanilang sitwasyon ngayong may mga anak siyang nagtapos ng senior high ngayong taon. Sa kabila ng halos kapos na kita, patuloy siyang namamasada araw-araw dahil wala naman siyang ibang mapagkukunan ng kabuhayan.
Gaya rin ng maraming manggagawa sa bansa, ako man ay hindi nakakaranas ng pagtaas ng sahod. Ngunit araw-araw akong bumibiyahe at direktang nararamdaman ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa pamasahe, pagkain, at iba pang pangangailangan. Ito ang dahilan kung bakit maraming Pilipino ang nagtatanong: sapat na ba talaga ang kasalukuyang solusyon ng pamahalaan?
Batid natin na may malaking epekto ang tensyon at sigalot sa Gitnang Silangan sa presyo ng langis sa buong mundo. Ang mga alitan na kinasasangkutan ng mga bansang tulad ng Iran, United States, at Israel ay may impluwensya sa pandaigdigang suplay at presyo ng enerhiya. Gayunpaman, hindi rin dapat nakatuon lamang ang ating paghihintay sa pagtatapos ng mga sigalot na ito. Kailangang pag-isipan ng ating pamahalaan kung paano mas mapapalakas ang sariling kakayahan ng bansa pagdating sa enerhiya at kung paano mapoprotektahan ang mamamayan mula sa pabago-bagong presyo ng langis.
Hindi masamang magbigay ng ayuda, ngunit mas mahalaga ang pangmatagalang solusyon—mga hakbang na magpapababa sa gastos ng transportasyon, magpapalakas sa alternatibong enerhiya, at magbibigay ng mas matatag na sistema para sa ekonomiya ng bansa.
Ngayong panahon ng Lent o Kwaresma, magandang pagkakataon din upang magnilay at ipanalangin ang kapayapaan sa buong mundo. Nawa’y huminto na ang mga digmaan at alitan na nagdudulot ng paghihirap hindi lamang sa mga bansang direktang apektado kundi pati na rin sa mga ordinaryong mamamayan sa iba’t ibang panig ng mundo—kabilang na tayo. Sa huli, ang tunay na solusyon ay hindi lamang nasa ayuda, kundi sa pagkakaisa, maayos na pamamahala, at kapayapaan. #TNRM


