Itinuturing na mahalagang milestone sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Southern Luzon ang pagkakadeklara sa #CALABARZON bilang nasa Stable Internal Peace and Security (SIPS) Status, na unang rehiyon sa bansa na nakamit ang naturang katayuan ngayong 2026.
Pormal na inanunsyo ang deklarasyon noong Hunyo 12 sa ginanap na SIPS Seal Awarding and Declaration Ceremony sa Quezon Convention Center sa Lucena City, kasabay ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan.
Kabilang sa mga dumalo sina Interior Secretary Jonvic Remulla, Quezon Governor Angelina Tan, Southern Luzon Command chief Lt. Gen. Cerilo Balaoro Jr., at 2nd Infantry Division commander Maj. Gen. Ramon Zagala.
Nabuo ang regional milestone matapos makamit ng lahat ng lalawigan sa CALABARZON ang kani-kanilang SIPS declarations. Nauna rito ang Cavite noong 2018, na muling na-validate noong 2024; Laguna noong 2019, na na-revalidate ngayong taon; Batangas noong 2021; Quezon noong 2023; at Rizal noong 2024.
Ayon sa mga opisyal, ang pagkakadeklara sa buong rehiyon ay nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng mga ahensya ng pamahalaan at security forces na mapanatili ang katatagan at seguridad sa CALABARZON.
#CalabarzonTrends


