IMUS CITY, CAVITE — Binuksan sa lungsod ang bagong Practical Driving Examination Center (PDEC) na magsisilbing pangunahing lugar para sa mas organisado at pare-parehong pagsusuri sa mga aplikante ng driver’s license.
Itinayo ang PDEC Imus sa Daang Hari Road, Barangay Anabu II, Imus City, at pinamamahalaan ng ABC Center OPC.
Pinangunahan ang blessing at ribbon-cutting ceremony ng mga opisyal ng Land Transportation Office, kabilang sina Atty. Lance Bryan L. Tan, Director ng Traffic Adjudication Service (TAS) ng LTO Central Office, at LTO CALABARZON Regional Director Elmer J. Decena, kasama ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan ng Imus.
Isasailalim ang bagong pasilidad sa 90-araw na pilot testing period na nagsimula noong Setyembre 21, 2026 upang masukat ang kahandaan at bisa ng operasyon nito.
Sa panahon ng pilot implementation, ililipat sa PDEC Imus ang pagsasagawa ng practical driving examination na dating ginaganap sa LTO Imus District Office. Isasagawa ang mga pagsusulit batay sa itinakdang iskedyul at mga pamamaraang ipinatutupad ng ahensya.
Layunin ng bagong sistema na matiyak na nasusuri nang maayos ang aktuwal na kakayahan ng bawat aplikante sa pagmamaneho gamit ang iisang pamantayan.
Magsasagawa rin ang LTO CALABARZON ng regular na monitoring, inspection, validation at evaluation sa operasyon ng sentro upang matiyak ang pagsunod sa mga alituntunin, gayundin ang kaligtasan at pagiging patas ng mga pagsusulit.
Ayon kay RD Decena, makatutulong ang pagkakaroon ng isang maayos at nakatalagang pasilidad upang maging mas pare-pareho ang proseso ng practical driving examination.
“Mahalaga na ang bawat practical driving examination ay isinasagawa sa isang maayos, ligtas, at standardized na environment,” ani Decena.
Dagdag pa niya, mahalagang mapangalagaan ang integridad ng pagsusulit upang matiyak na ang mga aplikante ay sinusuri nang patas at naaayon sa itinakdang kwalipikasyon.
Inaasahang makatutulong ang PDEC Imus sa patuloy na pagpapahusay ng proseso ng pagkuha ng driver’s license sa CALABARZON, habang isinusulong ng Land Transportation Office ang mas ligtas na pagmamaneho at mas maayos na paggamit ng mga kalsada. #


