ROSARIO, Cavite — Sa halip na tsokolate at bulaklak, serbisyong pampaganda at pamparelaks ang maagang handog ng Maynilad Water Services, Inc. para sa mga masisipag na kawani ng LGU Rosario sa pamamagitan ng programang “Maynilad Care Fair” na gaganapin sa Pebrero 12, 2026 (Huwebes), simula 9:00 ng umaga sa 5th floor ng Municipal Building.
Layunin ng aktibidad na bigyan ng panandaliang pahinga, dagdag-lakas, at personal na pangangalaga ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan bilang pagkilala sa kanilang araw-araw na serbisyo sa publiko.
Ayon sa mga organizer, iba’t ibang libreng serbisyong pampersonal na pangangalaga ang maaaring mapakinabangan ng mga kalahok sa Care Fair, kabilang ang haircut, manicure, pedicure, at massage. Inaasahang mauuna ang mga empleyadong maagang magpaparehistro, dahil limitado ang slots sa bawat serbisyo.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Carlo Comsti, Head of Government and Community Partnership ng Maynilad, ang kahalagahan ng pag-aalaga sa kapakanan ng mga kawani ng pamahalaan:
“Ang Maynilad Care Fair ay simpleng paraan namin ng pagpapakita ng pasasalamat sa mga kawani ng LGU Rosario. Kayo ang nasa unahan ng serbisyo publiko, at naniniwala kami na mahalagang maalagaan din ang inyong sarili, pisikal man o emosyonal.”
Dagdag pa ni Comsti:
“Ang tunay na malasakit ay hindi lamang sa pagbibigay ng tubig at serbisyo, kundi sa pakikipagkapwa at pagkilala sa sakripisyo ng mga taong araw-araw na naglilingkod sa komunidad. Ito ang diwa ng Care Fair ang pagpapahalaga sa tao.”
Ayon sa Maynilad, ang programa ay bahagi ng kanilang patuloy na malasakit at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, at isang paalala na mahalagang alagaan hindi lamang ang trabaho kundi pati na rin ang kalusugan at kapakanan ng mga kawani.
Bagama’t ilang araw bago ang Araw ng mga Puso, ramdam na ang diwa ng pagmamahal at pagpapahalaga sa aktibidad, na maituturing na isang Valentine’s treat ng Maynilad para sa mga empleyado ng LGU Rosario.
Marami sa mga kawani ang nagpahayag ng kasiyahan at pananabik, lalo na’t bihira ang ganitong pagkakataon na ang libreng serbisyo ay dinadala mismo sa loob ng munisipyo, nagbibigay ng ginhawa sa gitna ng abalang iskedyul sa trabaho.
Sa pamamagitan ng Maynilad Care Fair, muling pinatutunayan na ang tunay na malasakit ay hindi lamang nasusukat sa serbisyong ibinibigay sa publiko, kundi sa pag-aalaga at pagpapahalaga sa mga taong nagsisilbi para sa komunidad. #END
Ni Sid Samaniego
