MANILA, Philippines — Nilinaw ng Malacañang na wala munang karagdagang pondong ilalaan para sa Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) program, at ang mga ahensya ng gobyerno ay kinakailangan nang magsumite ng hiwalay na budget request sa Department of Budget and Management (DBM) batay sa kanilang pangangailangan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang anumang pondo ay ibibigay lamang depende sa aktuwal na requirements ng implementing agencies at sasailalim sa masusing pagsusuri ng DBM, kabilang ang kumpletong dokumentasyon bago maaprubahan.
Ipapatupad din ang parehong sistema sa 2027, dahil wala ring nakalaang hiwalay na pondo ang UPLIFT sa National Expenditure Program para sa susunod na taon.
Samantala, inaasahang tataas ang presyo ng petrolyo ngayong linggo dulot ng tensyon sa Middle East. Ayon sa Department of Energy, posibleng tumaas ang diesel ng ₱4.31 kada litro, gasolina ng ₱5.68, at kerosene ng ₱4.62.
Ang UPLIFT program, na itinatag sa ilalim ng Executive Order No. 110, ay layong tumulong sa mga sektor na apektado ng krisis sa pamamagitan ng fuel at rice subsidies at cash assistance.
Nananatili ring nakabinbin ang US$1.75-bilyong suporta mula sa Asian Development Bank na inaasahang makatutulong sa pagpapatupad ng mga programa sa ilalim ng UPLIFT.


