Ni Sid Samaniego
ROSARIO, CAVITE — Masayang tinanggap ng 13 nonagenarian sa bayan ng Rosario ang tig-₱10,000 na tulong-pinansyal ngayong araw, Marso 31, 2026 mula sa lokal na pamahalaan katuwang ang DSWD.
Sa pamumuno nina Mayor Jose Voltaire V. Ricafrente at Vice Mayor Bamm Gonzales, ay ipinamahagi ang cash assistance sa 10 lolo at 3 lola bilang pagkilala sa kanilang mahabang buhay at kontribusyon sa komunidad.

Kabilang sa mga pinagkalooban sina Lola Carmelita Convento ng Ligtong I, Rogelia Amog ng Brgy. Ligtong III, Norma De Guzman at Nilasco Silangcruz ng Brgy. Muzon I, Lourdez Portanilla, Tomas Pugay, Flora Dumaop, at Felicitas Prodigalidad ng Brgy. Poblacion, Ofemia Caisip ng Brgy. Sapa I, Lilia Calderon ng Brgy. Sapa II, Maria Samonte ng Brgy. Silangan II, Emmanuel Estorres ng Brgy. Wawa I, at Flaviana Avorque ng Brgy. Wawa III.
Ayon sa pamahalaang lokal, ang programa ay bahagi ng patuloy na pagbibigay-pugay sa mga nakatatandang residente na nagsilbing haligi ng kanilang mga pamilya at komunidad.
Sa mensahe ni Mayor Ricafrente ay sinabi niyang: “Sa ating mga minamahal na lolo at lola na umabot sa kahanga-hangang edad na 90 pataas, taos-puso po akong nagbibigay-pugay sa inyong lahat. Kayo po ay buhay na patunay ng lakas, tibay, at karunungan na siyang naging gabay sa paghubog ng ating komunidad. Ang simpleng tulong na ito ay maliit na pasasalamat lamang sa inyong napakalaking ambag sa ating bayan. Maraming salamat po at mabuhay kayo”.
Lubos ang pasasalamat ng mga benepisyaryo, na nagsabing malaking ginhawa ang tulong lalo na sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa huli, muling pinatunayan ng pamahalaang lokal ng Rosario na ang malasakit sa nakatatanda ay hindi lamang salita kundi konkretong aksyon.
Sa bawat pagkilalang ibinigay, naipadama na ang mga lolo at lola ay tunay na yaman ng bayan—mga buhay na bayani na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa susunod na henerasyon.
Sa ganitong mga hakbang, nananatiling matatag ang diwa ng pagkakaisa, paggalang, at pagmamahal sa komunidad.
