Ni Sid Samaniego

ROSARIO, CAVITE — Good vibes ang hatid sa mga tricycle driver sa bayan ng Rosario matapos silang makatanggap ng tulong-pinansyal mula sa kanilang barangay captain sa gitna ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Sa Brgy. Bagbag-I, umani ng papuri si Brgy. Captain Willie “Papang” Cuello nang personal niyang ipamahagi ang tig-200 pisong fuel subsidy sa 44 na miyembro ng Bagbag Uno TODA.

Mula umano ito sa kanyang sariling sweldo bilang simpleng paraan ng pagkilala sa hirap at sakripisyo ng mga tsuper.

Sa kanyang mensahe, hindi napigilang maging emosyonal ng kapitan sa pagpapasalamat sa mga driver:

“Sa aking mga minamahal na tricycle drivers ng Bagbag Uno TODA, taos-puso po akong nagpapasalamat sa inyong sipag, tiyaga, at patuloy na paglilingkod sa ating komunidad.

Kayo po ay mahalagang bahagi ng ating barangay dahil kayo ang tumutulong sa araw-araw na paggalaw ng ating mga kababayan.

Ang munting tulong na ito ay galing sa aking puso, bilang pagkilala sa inyong sakripisyo at pagsisikap na maitaguyod ang inyong pamilya sa kabila ng hirap ng buhay at pagtaas ng presyo ng gasolina.

Nawa’y magsilbi itong dagdag lakas at inspirasyon sa inyo upang ipagpatuloy ang inyong marangal na hanapbuhay. Asahan po ninyo na patuloy akong magiging katuwang ninyo sa anumang paraan.

Maraming salamat po at mag-ingat kayo palagi sa inyong biyahe. Mabuhay po ang ating mga tsuper!”

Ayon naman sa mga benepisyaryong tsuper, malaking tulong na ang kahit P200 lalo na ngayong ramdam ang taas-presyo sa krudo. Dagdag pa nila, bihira ang ganitong inisyatibo kaya labis ang kanilang pasasalamat.

Samantala, nauna nang nagpakitang-gilas si Brgy. Captain Kevin Guijo ng Brgy. Ligtong IV matapos din niyang magbigay ng kaparehong tulong sa 50 tricycle drivers sa kanilang lugar.

Dahil dito, usap-usapan ngayon sa Rosario ang tila “fuel subsidy challenge” sa pagitan ng barangay captain, isang positibong trend na nagbibigay inspirasyon sa iba pang opisyal na tumulong sa kanilang nasasakupan.

Sa gitna ng hirap ng buhay, pinatunayan ng mga kapitan na hindi kailangang malaki ang pondo para makatulong basta’t may malasakit, at may aksyon. #

PinchLink PH Media's avatar

By PinchLink PH Media

A Digital news hub for the latest in brands, lifestyle, construction, innovation, business, events, entertainment, community development and good governance.

Leave a Reply

Discover more from PinchLink PH Media Group

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading