CNHS-SHS TEEN WAGI SA REGIONAL PRESS, PLUMA AT PIKSEL ANG SANDATA

03/01/2026

Ni Sid Samaniego

CAVITE CITY – Hindi biro ang makipagsabayan sa pinakamalalaking press competitions sa rehiyon, ngunit isang batang mamamahayag mula sa Cavite National High School – Senior High School ang nagpakitang-gilas at umani ng papuri.

Si Juliana Ysabella B. Dampitan, isang estudyante ng CNHS-SHS, ay tinanghal na unang pwesto sa kategoryang Pagbuo ng Editroyal Kartun sa R4A Calabarzon 2026 Reconfigured Regional School Press Conference (RSPC) na ginanap sa SDO Rizal Cluster nitong Pebrero 22–27.

Sa murang edad, ipinamalas ni Juliana ang kakaibang tapang, talino, at malikhaing paninindigan.

Bawat dibuho at simbolo sa kanyang editroyal kartun ay puno ng mensahe – malinaw na nakatuon sa mga isyung panlipunan at nagbibigay-diin sa kapangyarihan ng pluma at piksel bilang sandata ng kabataan sa paghahayag ng katotohanan.

Ayon sa mga hurado, natatangi ang paraan ng pag-iisip ni Juliana, at kahanga-hanga ang lalim ng kanyang obra na may kombinasyon ng malikhaing ideya at kritikal na pagsusuri.

“Hindi lang ito karangalan para sa akin. Isa rin itong inspirasyon para sa mga kabataang mamamahayag na magsikap, mangarap, at patuloy na ipahayag ang kanilang boses,” ani Juliana, na mas kilala sa kanyang kakayahan sa editroyal kartun.

Ang tagumpay ni Juliana ay hindi lamang bunga ng kanyang sariling pagsusumikap. Malaki ang naging papel ng kanyang tagapagsanay, si Gng. Jessica E. Nicol, na nagbigay ng gabay at suporta mula simula hanggang matapos ang kompetisyon.

Ang pagkapanalo ni Juliana ay hindi lamang personal na tagumpay. Isa itong makasaysayang panalo para sa buong sangay ng lungsod ng Cavite at sa komunidad ng CNHS-SHS.

Ang kanyang kwento ay nagiging halimbawa kung paano ang determinasyon, malikhaing pag-iisip, at tapang ay nagbubunga ng tagumpay sa kahit anong larangan.

Sa pamamagitan ng Pluma at Piksel, ipinakita ni Juliana na ang kabataan ng Cavite ay hindi lang basta nakikibahagi dahil sila rin ay humuhubog ng makabuluhang pananaw at pagbabago sa lipunan.

Ang kanyang tagumpay ay patunay na sa bawat guhit at simbolo, may mensaheng naghihintay na marinig, at may boses na handang ipaglaban.

Padayon, Bella!

Ang kwento ng batang mamamahayag na ito ay inspirasyon sa lahat ng kabataan na huwag matakot mangarap at magsikap sa kabila ng hamon ng kompetisyon. #END

PinchLink PH Media's avatar

ByPinchLink PH Media

A Digital news hub for the latest in brands, lifestyle, construction, innovation, business, events, entertainment, community development and good governance.

Leave a Reply

Discover more from PinchLink Media Network

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading