LIBRENG SAKAY, HANDOG NG ISANG VLOGGER SA CAVITE

02/19/2026

Sa gitna ng kaliwa’t kanang krimen at panloloko sa lansangan, isang vlogger ang patunay na may kabutihan pa ring umiiral sa mundo.

Si Ryan San Buenaventura, 40 anyos, may asawa at tatlong anak, ay boluntaryong nag-aalok ng libreng sakay sa kanyang motorsiklo para sa mga commuter na hirap makauwi at makapasok sa trabaho.

Gamit ang kanyang Suzuki Raider 150 FI, binabaybay ni Ryan ang mga kalsada upang magsakay ng mga pasaherong matagal nang naghihintay ng masasakyan.

Ayon kay Ryan, nagsimula ang kanyang adbokasiya dahil sa sarili niyang karanasan bilang commuter noon.

“Way back noong nagko-commute pa ako, ramdam ko ang hirap ng matagal na paghihintay sa bus o jeep. Minsan nakatayo ka pa buong biyahe. Doon ko naisip na kung magkakaroon ako ng pagkakataon, tutulong ako,” pahayag niya.

Sa kasalukuyan, nagtatrabaho si Ryan sa Taguig bilang isang Detailer/Designer sa loob ng 11 taon, kung saan gumagawa siya ng mga drawings para sa fabrication ng glass at aluminum parts para sa curtain wall. Sa kabila ng kanyang trabaho at responsibilidad sa pamilya, naglalaan pa rin siya ng oras upang makatulong sa kapwa.

Hindi naman naiwasan ang mga negatibong komento. May ilan umanong nagdududa sa kanyang intensyon at iniisip na isa itong biro o panloloko.

“Hindi natin kontrolado ang isip ng ibang tao. May nag-aakalang scam o may masamang balak. Naiintindihan ko dahil marami talagang masasamang tao ngayon,” ani Ryan.

Gayunman, hindi ito naging hadlang sa kanyang layunin.

Para kay Ryan, maliit man ito sa paningin ng iba, malaking bagay ito para sa mga taong nabibigyan niya ng libreng-sakay lalo na sa mga pagod na manggagawa.

“Ginagawa ko ito para makatulong at para makalugod sa Diyos. Maliit man sa iba, pero para sa akin mahalaga ito,” dagdag pa niya.

Sa panahon ngayon na kabi-kabila ang negatibong balita, ang simpleng libreng sakay ni Ryan ay patunay na may mga taong handang magmalasakit na walang hinihintay na kapalit kundi ang makapaghatid ng ginhawa sa kapwa.

Sa mundong puno ng pagdududa at takot, isang simpleng “Libre po, sakay na kayo” ang nagiging paalala na minsan, ang pagiging bayani ay hindi kailangan ng kapa… kailangan lang ng malasakit at tapang na tumulong. #END

Ni Sid Samaniego

PinchLink PH Media's avatar

ByPinchLink PH Media

A Digital news hub for the latest in brands, lifestyle, construction, innovation, business, events, entertainment, community development and good governance.

Leave a Reply

Discover more from PinchLink Media Network

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading