BACOOR CITY, Cavite — Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang nasawi matapos magtamo ng maraming saksak sa katawan sa isang insidente sa Brgy. Zapote 1, Bacoor City nitong hapon ng Marso 6, 2026.



Ayon sa ulat ng Bacoor City Component Police Station (CCPS), bandang alas-3:30 ng hapon nang maganap ang umano’y pananaksak.

Sugatan at duguan umanong tumakas ang biktima mula sa pinangyarihan ng krimen at agad na sumakay sa isang pampasaherong baby bus.

Bandang alas-11:30 ng gabi nang ireport ng bus driver na si “Chioquen” Romano, 56, at ng pasaherong si Mary Jean Delim, 27, sa pulisya ang pangyayari matapos nilang madiskubre na malubha na ang kalagayan ng lalaki habang nasa biyahe.

Agad na dinala ng driver ang biktima sa St. Dominic Medical Center sa Bacoor City upang mabigyan ng agarang lunas.

Subalit idineklara ring Dead on Arrival (DOA) ang lalaki ng attending physician na si Dr. Patrisce Marie Solis.

Ayon sa doktor, ang sanhi ng pagkamatay ng biktima ay hypovolemic shock dulot ng matinding pagkawala ng dugo sanhi ng maraming saksak sa katawan, at may natamo rin itong blunt trauma sa bahagi ng ulo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nakakita rin umano ng drug paraphernalia sa mga personal na gamit ng biktima nang ito ay siyasatin.

Samantala, tinutugis na ng mga awtoridad ang dalawang suspek na nakilala lamang sa alyas na “Nestor” at “Jacobo” na kapwa pinaghahanap ngayon ng pulisya.

Patuloy naman ang ginagawang CCTV backtracking ng mga imbestigador upang matukoy ang buong pangyayari at makilala ang biktima, habang nagsasagawa rin ng hot pursuit operation laban sa mga suspek.

Sa ngayon, hinihintay pa rin ng pulisya na makontak ang mga kamag-anak ng biktima upang matukoy ang kanyang pagkakakilanlan. #


Ni Sid Samaniego

PinchLink PH Media's avatar

By PinchLink PH Media

A Digital news hub for the latest in brands, lifestyle, construction, innovation, business, events, entertainment, community development and good governance.

Leave a Reply

Discover more from PinchLink PH Media Group

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading