MANILA, Philippines — Patuloy na nagpapakita ng matatag na paglago ang sektor ng industrial property sa Pilipinas, kung saan 84 porsiyento ng mga industry players ang planong magpalawak sa susunod na tatlong taon, sa kabila ng umiiral na pang-ekonomiyang hamon, ayon sa Colliers Philippines.
Batay sa Industrial Property Market Pulse H1 2026 report na inilabas noong Setyembre 10, bumaba ang warehouse vacancy rate sa 13.1 porsiyento mula sa 16.8 porsiyento noong nakaraang taon sa Central Luzon, Metro Manila, at Southern Luzon. Ipinapakita nito ang patuloy na mataas na demand mula sa mga tradisyunal na negosyo at e-commerce sector.
Ayon pa sa ulat, karamihan sa mga developer, manufacturer, at logistics firms ay nakapagtala ng positibong performance sa nakalipas na dalawang taon, na nagpapahiwatig ng patuloy na kumpiyansa sa industriya.
Lumabas din sa pag-aaral na ang CALABARZON ang nangungunang napipiling lokasyon para sa expansion na may 29 porsiyento ng mga respondent, sinundan ng Central Luzon na may 23 porsiyento. Kabilang sa mga dahilan ang maayos na industrial parks, imprastraktura, at malawak na labor pool.
Binanggit ng Colliers na inaasahang mas lalo pang palalakasin ng mga pangunahing proyekto tulad ng South Luzon Container Terminal (SLCT) at SLEX Toll Road 4 (TR4) ang pagiging kaakit-akit ng rehiyon bilang industrial hub.
Sa kabila ng hamon gaya ng pagtaas ng gastos, interest rates, at pandaigdigang economic uncertainties, nananatiling positibo ang outlook ng sektor habang karamihan sa mga kumpanya ay may kumpiyansa sa tuloy-tuloy na paglago sa mga susunod na taon. #
Source: MANILA BULLETIN


