P600 Daily Allowance, Tinatayang P444 na Lang ang Halaga sa CALABARZON dahil sa Inflation

09/21/2026 #Calabarzon Trends

CALABARZON — Tinatayang ₱444 na lamang ang tunay na halaga ng kasalukuyang ₱600 daily minimum wage sa CALABARZON matapos maapektuhan ng patuloy na inflation at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan.

Lumabas ang usapin sa isinagawang public consultations ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board IV-A (RTWPB IV-A) para suriin ang kalagayan ng sahod sa rehiyon. Mahigit 500 kinatawan mula sa labor, employers, management at domestic workers ang nakilahok sa mga pagdinig sa Calamba City, Laguna at Lipa City, Batangas.

Iginiit ng mga kinatawan ng manggagawa na hindi na sapat ang kasalukuyang kita para makasabay sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa pagkain, serbisyo at iba pang pangunahing pangangailangan.

Sa panig naman ng ilang labor groups, iminungkahi ang ₱666 na daily wage. Samantala, nagpahayag ang management sector ng mga concern sa posibleng epekto ng wage increase sa gastos ng mga negosyo at nagmungkahi rin ng ₱2,000 buwanang wage subsidy bilang alternatibong suporta sa mga manggagawa.

Sa kasalukuyan, nasa ₱508 hanggang ₱600 kada araw ang minimum wage sa CALABARZON, depende sa sektor at wage classification ng lugar. Sakop ng rehiyon ang Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.

Patuloy pa ang konsultasyon ng RTWPB IV-A sa iba’t ibang sektor bago maglabas ng rekomendasyon para sa posibleng pagbabago sa minimum wage. #

PinchLink PH Media's avatar

ByPinchLink PH Media

A Digital news hub for the latest in brands, lifestyle, construction, innovation, business, events, entertainment, community development and good governance.

Leave a Reply

Discover more from PinchLink Media Network

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading