MANILA, Philippines — Inilantad ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) sa ulat nito noong Setyembre 6 na bilyong pisong pondo para sa school infrastructure ang napunta umano sa mga kontratistang may isyu sa korapsyon at substandard na proyekto.
Sa report na isinulat ni Christian Chua, itinampok ang sitwasyon sa Mabuhay City Elementary School sa Dasmariñas, Cavite, kung saan nasa 1,500 estudyante ang nagsisiksikan sa iisang gusali at naka-shift dahil sa kakulangan ng silid-aralan.

Sa kabila nito, nananatiling hindi pa tapos at hindi nagagamit ang isa pang gusali ng paaralan sa loob ng halos dalawang taon, kahit gumastos na ng humigit-kumulang ₱32 milyon para rito.
Ayon sa ulat, nagkaproblema ang proyekto dahil sa maling dokumento—na naitala itong apat na palapag kahit tatlo lamang—na nagresulta sa pagkaantala ng karagdagang pondo at pagkapako sa proseso.
Lumabas din sa pagsusuri ng PCIJ na mahigit 30,000 school infrastructure contracts mula 2016 hanggang 2026 ang naibigay sa mga kumpanyang may koneksyon sa pulitika at mga kontrobersiya, na nagdulot ng mga delay at kuwestiyonableng implementasyon.
Tinatayang kulang ang bansa ng mahigit 166,000 silid-aralan, na maaaring umabot sa 219,000 pagsapit ng 2028, at mangangailangan ng nasa ₱400 bilyon upang matugunan.
Binigyang-diin ng PCIJ na hindi lamang kakulangan sa pondo ang problema kundi pati pamamahala at pagpapatupad ng mga proyekto, kaya’t mahalaga ang pananagutan upang matiyak na ang pondo ng bayan ay napupunta sa mga proyektong tunay na napapakinabangan ng mga mag-aaral.
Source: The Manila Times


