PAMPANGA — Ilang institusyon at tanggapan ng pamahalaan sa Pampanga ang nagpatupad ng pansamantalang 4-day work at class week simula ngayong Marso 2026 bilang bahagi ng hakbang upang makatipid sa konsumo ng enerhiya.
Kabilang sa mga nagpatupad nito ang Pampanga State University (PSAU), at Holy Angel University (HAU), pati na rin ang Lokal na Pamahalaan ng Macabebe at ilang tanggapan ng Department of Education (DepEd) sa lalawigan.
Sa Pampanga State University, ipatutupad ang 4-day on-site work para sa mga empleyado at isang araw na work-from-home (WFH). Samantala, ang mga estudyante ay magkakaroon ng online classes tuwing Biyernes simula Marso 11, 2026.
Sa Holy Angel University, magkakaroon din ng 4-day on-site classes, habang ang Biyernes ay ilalaan para sa work-from-home at online classes mula Marso 10 hanggang Marso 31, 2026.
Samantala, sa LGU ng Macabebe, ipatutupad ang 4-day workweek mula Lunes hanggang Huwebes, alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi, na magsisimula sa Marso 19, 2026.
Ang ilang tanggapan naman ng DepEd ay nagpatupad ng 4-day on-site work (Lunes–Huwebes) para sa mga non-teaching personnel, habang WFH tuwing Biyernes.
Ayon sa mga opisyal, ang hakbang na ito ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 114 na nag-uutos sa mga ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng mga paraan upang makatipid sa enerhiya sa gitna ng tumataas na demand sa kuryente.
Gayunman, nilinaw na mananatiling regular ang 5-day class schedule ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan, kahit ipinatutupad ang 4-day work arrangement para sa ilang empleyado. #RBM
