Ni Sid Samaniego
Nagkaloob ng tulong ang grupong CZNT TSC sa mga driver ng baby bus bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo na labis na nakaapekto sa kanilang kabuhayan.
Sa pangunguna ni Marcus Andico Cupino, namahagi ang samahan ng tig-5 kilong bigas sa humigit-kumulang 200 driver.
Layunin ng inisyatibong ito na makapagbigay ng kahit kaunting ginhawa sa araw-araw na pangangailangan ng mga tsuper na patuloy na hinaharap ang hamon ng mataas na gastos sa operasyon.
Ayon sa grupo, ang CZNT TSC ay isang samahan ng mga driver at operator ng baby bus na nagkakaisa upang magtulungan sa panahon ng krisis.
Sa gitna ng pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo, marami sa mga driver ang nahihirapang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya dahil sa lumiit na kita.
Sa isang mensahe, ipinahayag ni Cupino ang kanyang pakikiisa at suporta sa mga kapwa driver.
“Mga kapwa ko driver at operator ng baby bus, nauunawaan ko ang hirap na ating pinagdadaanan sa araw-araw na paghahanapbuhay.
Hindi madali ang manatiling matatag lalo na kung ang kinikita ay halos hindi na sapat para sa ating mga pamilya,” ani Cupino.
Dagdag pa niya, ang simpleng pamamahagi ng bigas ay simbolo ng pagkakaisa at malasakit ng samahan.
“Maaaring hindi ito sapat upang tugunan ang lahat ng pangangailangan, ngunit ito ay nagsisilbing paalala na may mga kasama kayong handang umalalay sa inyo. Patuloy tayong magtulungan, magkaisa, at manatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok,” dagdag niya.
Malugod namang tinanggap ng mga benepisyaryong driver ang naturang ayuda at nagpahayag ng pasasalamat sa grupo sa kanilang agarang pagtugon sa kanilang kalagayan.
Para sa marami, ang ganitong uri ng tulong ay malaking bagay upang maibsan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Patuloy namang hinihikayat ng CZNT TSC ang iba pang organisasyon at ahensya na bigyang-pansin ang kalagayan ng mga pampublikong tsuper, lalo na sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at iba pang pangunahing bilihin. #








