Naglabas ang Department of Justice (DOJ) ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa dating Ateneo Blue Eagles head coach na si Tab Baldwin at apat pang miyembro ng coaching staff kaugnay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa pagkamatay ng mga basketbolistang sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Sa isang press briefing noong Hunyo 17, sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na nilagdaan niya ang lookout bulletin na sumasaklaw kina Baldwin, dating team manager na si Christopher Quimpo, at assistant coaches na sina Reynaldo Jacinto Jr., Dean Castaño, at Sandro Soriano.
Nilinaw ng DOJ na ang ILBO ay hindi nagbabawal sa mga nasasangkot na umalis ng bansa, ngunit magsisilbing abiso sa mga awtoridad sa mga paliparan at pantalan sakaling tangkain nilang bumiyahe habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon kay Vida, hindi rin ito nangangahulugan ng pagkakasala ng mga indibidwal dahil wala pang pormal na kasong naisampa laban sa kanila.
Samantala, iginiit ni CIDG Director Robert Morico II na hindi niya itinuturing na simpleng aksidente ang nangyaring pagkalunod ng dalawang atleta noong Hunyo 8 sa isang team-building activity sa Aurora.
Ayon sa imbestigasyon, nasa humigit-kumulang 700 metro mula sa pampang ang mga manlalaro nang maganap ang insidente sa kabila ng umano’y hindi magandang kondisyon ng dagat.
Noong Hunyo 15, opisyal na tinanggap ng Ateneo de Manila University ang pagbibitiw nina Baldwin at Quimpo matapos ang ilang araw na pananahimik hinggil sa insidente.
Nagpalabas na rin ng subpoena ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kina Ateneo President Fr. Roberto Yap, SJ at ilang opisyal ng Smart Communications bilang bahagi ng mas malalim na imbestigasyon sa pamamahala at mga pangyayari na nauwi sa pagkamatay ng dalawang atleta. #
Source: Philstar
Photo credit to: Philstar


