[PRESS RELEASE]
Gagawaran si Kgg. Antonio L. Tinio ng KWF Gawad Carlos Padilla 2026 ngayong pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026.

Si Kgg. Antonio L. Tinio ay kasalukuyang kinatawan ng ACT Teachers Party-list sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Siya ang pangunahing may-akda sa Mababang Kapulungan ng Filipino Sign Language (FSL) Act (Batas Republika Blg. 11106), na nagbigay ng opisyal na pagkilala sa FSL bilang pambansang wikang senyas ng mga Binging Pilipino at nagpalawak sa paggamit nito sa edukasyon, serbisyong pampubliko, at komunikasyong ingklusibo; gayundin sa kaniyang patuloy na pagsusulong ng mga panukalang nagpapatibay sa paggamit ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa sistema ng edukasyon at sa mga institusyong pampubliko.
Ang Gawad Carlos Padilla ay mataas na pagkilála sa mga mambabatas na may natatanging ambag o nagawa túngo sa pagsusulong, pagpapalaganap, pagpapayabong, at preserbasyon ng wikang Filipino. Ang gagawaran ay makatatanggap ng busto, plake, at medalya.
Ang KWF Gabi ng Parangal 2026 ay gaganapin sa 27 Agosto 2026. #


