MANILA — Muling ipinataw ng House of Representatives ang 60-araw na suspensyon laban kay Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga matapos umanong magpatuloy ang kanyang “disorderly behavior,” alinsunod sa rekomendasyon ng House Committee on Ethics.
Sa ilalim ng suspensyon, muling hindi papayagang gampanan ni Barzaga ang kanyang opisyal na tungkulin at hindi rin siya makatatanggap ng dalawang buwang sahod at mga allowance.
Inaprubahan ng plenaryo ang rekomendasyon ng ethics committee sa botong 238 pabor, 10 tuto, at 9 ang nag-abstain ngayong araw ng Miyerkules, Pebrero 4.
Ayon sa ulat ng komite, sinuri nila ang naging asal at mga social media post ni Barzaga habang siya ay nasa unang suspensyon na nagsimula noong Disyembre 1, 2025. Nag-ugat ang kaso sa mga reklamo ng National Unity Party (NUP) at sa privilege speech ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, kaugnay ng mga paratang ni Barzaga na tumanggap umano ng suhol ang NUP mula kay negosyanteng Enrique Razon Jr. upang suportahan ang speakership bid ni Rep. Martin Romualdez sa 20th Congress.
Si House Deputy Speaker Ronaldo Puno, na siyang chairman ng NUP, ay unang humiling ng expulsion laban kay Barzaga sa pamamagitan ng panibagong ethics complaint, dahil sa umano’y walang basehang bribery allegations at sa kanyang mga “demeaning” na pahayag laban sa ilang opisyal ng gobyerno, kabilang ang yumaong si Rep. Romeo Acop ng Antipolo.
Ayon kay Ethics Committee Chair Rep. JC Abalos ng 4Ps Party-list, muling nakagawa si Barzaga ng kaparehong mga paglabag kahit nasa ilalim na siya ng parusa.
“Habang nagsisilbi siya ng kanyang suspensyon, napansin ng komite na muling gumawa si Rep. Barzaga ng mga kahalintulad na akto na dahilan kung bakit siya unang nasuspinde,” pahayag ni Abalos sa plenaryo.
Dagdag pa niya, may sapat na ebidensya na nagpapakita na nilabag muli ni Barzaga ang mga patakaran ng Kamara sa tamang asal ng mga miyembro, at ang kanyang mga social media post ay nakasira sa dignidad, integridad, at reputasyon ng House of Representatives.
Kinondena rin ng komite ang umano’y paglapastangan ni Barzaga sa awtoridad ng ethics committee matapos siyang tumangging dumalo sa pagdinig sa kabila ng ipinadalang summons. Sa isang post, sinabi ni Barzaga na wala siyang pakialam kahit pa siya ay ma-expel at inakusahan ang Kongreso na “sumisira sa buhay ng mga Pilipino.”
Binigyang-diin ni Abalos na ang kasalukuyang suspensyon ay isang “stern warning” at maaaring humantong sa mas mabigat na parusa, kabilang na ang tuluyang pagpapatalsik sa puwesto, sakaling maulit pa ang kanyang mga paglabag.
Sa kasalukuyan, humaharap si Barzaga sa ilang cyberlibel complaints mula kina Razon at mga miyembro ng NUP, pati na rin sa mga kasong inciting to sedition at rebellion na inihain ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). ##
News Source: PhilStar
