Sa araw ng pagdiriwang ng pag-ibig, may isang makahulugang selebrasyon ang naganap…

Ang ika-100 taon ng buhay ni Lourdez “Lola Ondeng” Buenviaje-Loyola Sanchez. Bagamat noong Pebrero 10, 2026 pa ang kanyang tunay na kaarawan, ngayong Araw ng mga Puso siya pinarangalan, isang napapanahong pagpupugay sa isang inang ang buong buhay ay inialay sa pag-ibig.

Maagang nasubok ang kanyang tatag nang pumanaw sa aksidente sa Tarlac ang kanyang asawa, si Mateo Sanchez, isang driver ng bagoong noon na bumibiyahe noon sa Pangasinan.

Sa isang iglap, siya ang naging haligi ng tahanan. Sa halip na magpaalipin sa dalamhati, pinili niyang magpatuloy. Nagbenta siya ng tinapa sa Maynila at Amadeo, tiniis ang pagod at init ng araw, maitaguyod lamang ang walong anak.

Hindi marangya ang kanilang buhay, ngunit punung-puno ng dignidad.

Sa bawat umagang pagbangon, dala niya ang panalangin. Sa bawat gabing pagod, dasal pa rin ang huling salita bago pumikit.

Isang deboto ni Tata Usteng si Lola Ondeng, at naniniwalang ang bawat araw ay biyayang hindi dapat sayangin.

Sa hapag-kainan, simple ang kanyang kaligayahan, adobo sa puti ang paborito niyang ulam, mariing iniiwasan naman niya ang spaghetti.

Saging, mangga, at pinya ang nagbibigay naman ng sigla sa kanya.

Ngunit higit sa pagkain, ang kanyang puso ay nabubuhay sa sining. Walang pinalagpas na pelikula ng Superstar na si Nora Aunor, isang paghanga na tila bahagi na ng kanyang kabataan at pagtanda.

Kapag tahimik ang gabi, maririnig ang kanyang tinig na umaawit nang akapela ng Que Sera, Sera, ang klasikong inawit ni Doris Day. Para kay Lola Ondeng, ang awit ay hindi lamang himig kundi pilosopiya ng buhay, pagtanggap sa bukas nang may tapang at tiwala sa Maykapal.

Ngayon, ang kanyang angkan ay umabot na sa 15 apo, 35 apo sa tuhod, at tatlong apo sa talampakan. Ang kanyang buhay ay hindi na lamang personal na kwento ito’y naging puno na may malalalim na ugat at malalawak na sanga ng henerasyon.

Ngunit ang totoo, higit pa sa haba ng buhay ang kanyang pamana. Sa mundong mabilis magbago at madaling makalimot, si Lola Ondeng ay nananatiling paalala na ang tunay na kayamanan ay hindi nasusukat sa dami ng naipon, kundi sa dami ng pusong nahubog.

Ang kanyang mga kulubot na kamay ay hindi tanda ng kahinaan, kundi mga guhit ng pakikipaglaban sa gutom, sa pangungulila, sa takot, at sa kawalan.

Sa pagdiriwang ng kanyang ika-100 taon, hindi lamang kaarawan ang ipinagdiriwang kundi isang siglong patunay na ang isang simpleng ina na minsang nagtitinda ng tinapa ay kayang mag-iwan ng pamana na higit pa sa ginto: isang pamana ng pananampalataya, katatagan, at pag-ibig na magpapatuloy magpakailanman.

Que sera, sera…

Whatever will be, will be…

Ni Sid Samaniego

PinchLink PH Media's avatar

By PinchLink PH Media

A Digital news hub for the latest in brands, lifestyle, construction, innovation, business, events, entertainment, community development and good governance.

Leave a Reply

Discover more from PinchLink PH Media Group

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading