Ni Sid Samaniego
“Lendel, hindi man ako perpektong tao, ipinangako kong mamahalin kita araw-araw. Sa pagod, sa problema, at sa mga panahong tila kulang ang lahat. Salamat dahil pinili mo akong samahan, kahit may iba kang pangarap noon. Sa’yo ko natutunan na ang tunay na yaman ay hindi nasusukat sa salapi o layo ng narating, kundi sa pamilyang sabay nating binuo. Pangako ko, ikaw at ang ating mga anak ang magiging lakas ko habang-buhay. Mahal kita, ngayon at magpakailanman”, mga mensaheng nagpatulo ng luha mula kay Ronie para sa kanyang asawa.


Isang matibay na pag-ibig ang namukadkad sa pagitan nina Ronie Ligutom Flores, 35 anyos, isang masipag na construction worker na tubong Cebu City, at Lendel Pardon Gacer, 33 anyos, dating EPZA worker na nagmula pa sa Sultan Kudarat, South Cotabato.
“Dumating ka sa buhay ko noong puno ako ng pangarap at pag-aalinlangan. Hindi man ako nakarating sa ibang bansa, dinala mo naman ako sa mas mahalagang destinasyon, ang magkaroon ng sariling pamilya at tahanang puno ng pagmamahal. Salamat sa iyong sipag, tiyaga, at walang sawang pag-unawa. Sa piling mo, natutunan kong ang pag-ibig ay pananatili at pagpili araw-araw. Ikaw ang aking tahanan, ngayon at kailanman”, mensahe ni Lendel.
Nagtagpo ang kanilang landas noon sa Maynila, panahong puno ng pangarap si Lendel na makapagtrabaho sa ibang bansa matapos mag-apply sa isang manpower agency.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, nakilala niya si Ronie. Sa halip na eroplano ang masakyan, puso ni Ronie ang kanyang tinahak. Ang pangarap na abroad ay napalitan ng mas malalim na hangaring bumuo ng sariling pamilya.
Hindi naging madali ang kanilang pagsasama, ngunit pinili nilang manatili na magkasama sa hirap at ginhawa.
Mula sa simpleng simula, unti-unting nabuo ang isang tahanang pinatatag ng sakripisyo, tiwala, at wagas na pagmamahalan. Ngayon, bunga ng kanilang pagmamahal ang tatlong anak na patunay na ang pag-ibig ay lalong tumitibay kapag inaalagaan.
Kasalukuyan nang naninirahan ang bagong kasal sa Little Baguio, Brgy. Wawa III, Rosario, Cavite, kung saan nila itinanim ang mga ugat ng kanilang pamilya at pangarap. At sa araw na ito, isang bagong yugto ang kanilang haharapin.
Sina Ronie at Lendel ay kabilang sa ikalawang batch ng mga magsising-irog na mag-iisang dibdib sa ilalim ng programang “Kasalinas”, ang kasalang bayan na handog ng Lokal na Pamahalaan ng Rosario, sa pangunguna ni Mayor Jose Voltaire V. Ricafrente.
Isang seremonyang hindi lamang nagbibigkis sa kanila bilang mag-asawa, kundi nagpapatunay na ang tunay na pag-ibig ay hindi nasusukat sa layo ng narating, kundi sa lalim ng pananatili.
Sa kanilang kuwento, muling pinapaalala na minsan, ang pinakamatayog na pangarap ay hindi matatagpuan sa ibang bansa kundi sa piling ng taong piniling makasama habang-buhay.


