Ni Sid Samaniego
Sa isang tindahan noon sa Maynila, may isang babae na laging may bukss na pinto at mas bukss na puso. Doon makikita si Norilyn Grace Tarug Delis Reyes, 37 taong gulang—matatag, masipag, at may ngiting kayang magpagaan ng kahit pinakamabigat na araw.

Pitong taong gulang pa lamang siya nang putulin ang kanyang kanang kamay dahil sa bone cancer. Bata pa, pero maaga niyang natutunan na ang lakas ng tao ay hindi nasusukat sa bilang ng kamay, kundi sa tibay ng loob.
Isang araw, dumating sa kanyang tindahan ang isang lalaking may alikabok ng trabaho sa balikat at pagod sa mga mata, si July Portiles Mangubat, 35 taong gulang, isang construction worker, tubong Calbayog City, Samar. Bumili siya ng gasul. Dahil sa simpleng “Magkano po?” at “Salamat,” may nagningas na hindi nila agad napansin.


Bumalik si July kinabukasan. At sa mga sumunod pang araw. Hindi lang gasul ang binibili—unti-unti, oras at pansin. Napansin niya ang tapang ni Norilyn, ang gaan ng kanyang tawa, at ang katahimikang may lalim. Sa loob ng halos isang buwang panliligaw, pinatunayan ni July na ang pag-ibig ay hindi nangangailangan ng perpektong katawan, kundi ng perpektong intensiyon.
Hindi naging madali ang lahat. Tutol noon ang mga kapatid ni Norilyn. May mga gabing itinatago si July sa loob ng bahay, parang lihim na sinisilip ng pag-ibig ang mundo. Ngunit sa bawat pagtatago, mas lalong tumitibay ang paninindigan. Sa bawat pagsubok, mas nagiging malinaw ang tunay na pagmamahal ay marunong maghintay, magpakumbaba, at manindigan.
Hanggang sa dumating ang araw na hindi na kailangang magtago. Dahil ang pag-ibig na tapat, sa huli, ay laging lumalabas sa liwanag.
At ngayong Pebrero 3, 2026, sa ilalim ng programang “Kasalinas”, isang kasalang bayan ng Lokal na Pamahalaan ng Rosario na pangungunahan ni Mayor Jose Voltaire V. Ricafrente, matutupad ang pangakong minsang nagsimula sa isang tindahan at isang gasul.
Sina Norilyn at July ang kauna-unahang ikakasal sa listahan na para bang sinasabing ang kanilang kuwento ang unang pahina ng isang bagong kabanata ng pag-asa. Sa araw na ito, hindi kakulangan ang makikita sa kanilang pagsasama, kundi kasaganahan ng tapang, ng pag-unawa, at ng pag-ibig na pinanday ng panahon.
Dahil ang pagmamahalan nila ay patunay na hindi hadlang ang sugat ng kahapon para yakapin ang pangarap ng bukas.
Sa buwan ng mga puso, ang kuwento nina Norilyn at July ay paalala na ang tunay na pag-ibig ay marunong tumingin lampas sa nakikita, na marunong manindigan kahit mahirap, at marunong magsabing:
“Ikaw ang pipiliin ko, araw-araw at ang pag-ibig ko’y hindi mapuputol kailanman”. #END


