Ni Sid Samaniego

Isang makulay at nakakaantig na tagpo ang nasaksihan sa pag-iisang dibdib nina Criselle G. Torres a.k.a “Len-len”, 37 taong gulang, at Narciso B. Corporal a.k.a “Narseng”, 39 taong gulang, matapos silang rumampa sa kanilang kasal sakay ng bonggang “bridal kolong-kolong”.

Hindi man limousine ang ginamit, agaw-eksena naman ang kanilang wedding ride na inayusan ng kilalang fashion designer na si Jerome “Mamu” Bella.

Todo effort at bonggang detalye ang makikita sa sasakyang kolong-kolong na balot sa bulaklak, elegante ang tela, at may artistikong disenyo na mistulang rumampa sa isang fashion show sa gitna ng komunidad.

Ayon sa ilang nakasaksi, parang “runway on wheels” ang tema ng kanilang pagdating.

Game na game at halatang masaya ang bagong kasal habang sakay ng kanilang kakaibang bridal ride. Hiyawan at palakpakan ang sumalubong sa kanila, at agad itong naging instant trending topic sa kanilang lugar.

Pero higit sa kakaibang sasakyan, mas tumatak sa puso ng marami ang kwento ng dalawa.

Matagal na raw pangarap nina Len-len at Narseng na maikasal at ngayon ay tuluyan na itong natupad. Hindi lamang simpleng seremonya, kundi isang basbas sa loob mismo ng simbahan ng Diocesan Shrine and Parish of the Most Holy Rosary Reina del Caracol ang kanilang pinangarap at ngayon ay naisakatuparan din sa bendisyon ni Rev. Fr. King Eleazer V. Peñaranda.

Pareho silang e-bike driver sa Rosario, Cavite at nagsusumikap araw-araw para sa kanilang pamilya. Sa kabila ng hirap ng buhay at sa dati nilang karanasang manirahan sa loob ng sementeryo, hindi sila nawalan ng pag-asa.

Sa kasalukuyan, mayroon silang limang anak na siyang nagsisilbing inspirasyon nila sa bawat pagod at sakripisyo.

Pangarap din ng bagong kasal na magkaroon ng sariling bahay na isang tahanang ligtas at maayos para sa kanilang pamilya.

Nagbigay naman ng mensahe si Roelito Duarte, pangulo ng Samahan ng Pedicab Operator and Driver Association:

“Isang inspirasyon ang kwento nina Len-len at Narseng para sa ating lahat. Bagamat simple ang kanilang buhay, hindi nila pinabayaan ang kanilang pangarap. Ang pag‑ibig, pagtitiis, at pagsisikap ang tunay na nagdala sa kanila sa araw na ito. Nawa’y magsilbi silang halimbawa sa bawat e‑bike, pedicab, at padyak driver na nangangarap din ng magandang buhay para sa kanilang pamilya.” — pahayag ni Duarte.

Sa araw ng kanilang kasal at sa huling bahagi ng kasalang-bayan sa ilalim ng programa ni Mayor Jose Voltaire V. Ricafrente na “Kasalinas” ng lokal na pamahalaan ng Rosario, Cavite ay hindi lang pag-iisang dibdib ang naganap kundi katuparan ng matagal na hinahangad na pangarap.

Mula sa hirap ng nakaraan hanggang sa altar ng simbahan, pinatunayan ng dalawa na ang tunay na yaman ay ang pagmamahalan at pananampalataya.

Isang kasalang hindi man marangya, pero punong-puno ng puso at pag-asa…

PinchLink PH Media's avatar

By PinchLink PH Media

A Digital news hub for the latest in brands, lifestyle, construction, innovation, business, events, entertainment, community development and good governance.

Leave a Reply

Discover more from PinchLink PH Media Group

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading