Los Baños, Laguna — Muling paaalabin sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) ang taunang UPLB February Fair (FebFair) na gaganapin sa UPLB Freedom Park ngayong ika-10 hanggang ika-14 ng Pebrero, 2026. Inihahandog ng UPLB All Student Councils Assembly ang “HIMAGSIK: Buong Lakas na Paglaban ng Timog Katagalugan Kontra Korapsyon at Pasismo Tungo sa Katarungan, Kapayapaan at Demokrasya!” na may kolektibong layunin na paliyabin ang damdamin ng mga mamamayan upang lumaban sa katiwalian para makamit ang katarungan, ka payapaan, at demokrasya.
Bitbit ng “Himagsik” ang naglalagablab na pagtindig ng mga mamamayan ng Timog Katagalugan laban sa patuloy na pang-aabuso, korapsyon, at paniniil.
Ang Kalagayan ng Edukasyon sa Pilipinas
Sa nagdaang taon, sari-saring isyung pang-edukasyon ang patuloy na naranasan ng mga mag-aaral hindi lamang sa Timog Katagalugan, kundi sa buong bansa. Sa gitna ng krisis na ito, inaprubahan ng administrasyong Marcos Jr. ang ₱6.793 trilyong 2026 National Budget—ang pinakamalaki sa kasaysayan. ₱1.345 trilyon mula rito ay inilaan na badyet para sa edukasyon.
Gayunman, nananatili itong hiwalay sa tunay na materyal na kondisyon ng mga mag-aaral sapagkat bigo nitong matutugunan ang pangangailangan para sa tunay na libreng, dekalidad, at inklusibong edukasyon. Nililimitahan nito ang kapasidad ng mga state universities and colleges (SUCs), dahilan upang higit na umigting ang pagkiling ng mga administrasyon ng pamantasan sa private funding, partnerships, at mga donasyon labas ng pamantasan. Kalakaran itong magpapalala sa komersyalisasyon ng edukasyon.
Masasalamin ang isyung ito maging sa mga constituent units (CUs) ng Unibersidad ng Pilipinas. Paghahati-hatian ng walong CUs ang ₱29.47 bilyon na badyet na tinakdaan ng pamahalaan. Kasama sa badyet na ito ang pondo para sa Philippine General Hospital, halagang hindi sasapat para tugunan lahat ng pangangailangan ng mga institusyon sa pagpapasahod at benepisyo sa mga guro at kawani, pagtatayo ng mga dagdag pasilidad para sa mga batayang serbisyong pang-akademiko at pang-kultural, at pagpapalawig ng isang makabayan, siyentipiko, at makamasang tipo ng edukasyon.
Sa kabila ng rekord-laking badyet, nananatiling malinaw na hindi prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang sektor ng edukasyon. Hangga’t nananatiling kulang ang pondo at nakatali sa pribadong interes at panunupil, patuloy na ipagkakait sa sambayanan ang edukasyong tunay na nagsisilbi sa sambayanan.
FebFair 2026: Himagsik para sa dekalidad at aksesibleng edukasyon!
Upang malabanan ang komersyalisado, kolonyalisado, at pasistang tipo ng edukasyon, bibitbitin ng UPLB FebFair ang kampanya para sa makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon.
Sa panimulang programa nito, magkakaroon ng Opening Salvo sa Olivarez Plaza, Los Baños, Laguna na dadaluhan ng mga multi-sektoral na grupo mula sa iba’t ibang panig ng Timog Katagalugan. Mula rito, magmamartsa ang hanay ng masa papuntang Freedom Park, UPLB, kung saan tatakdaan ng mga kultural na pagtatanghal ang pagbubukas ng pinakamalawak na protest fair sa rehiyon.
Susundan ang opening salvo ng mga serye ng programa na magpapatambol sa mga kampanya para sa aksesible at dekalidad na edukasyon, sa sub-temang “Himagsik ng Kabataang Lumalaban para sa Pambansa, Siyentipiko, at Makamasang Edukasyon!”. Sa unang araw ng FebFair, matutunghayan ang mga programang Ulayaw, Rock United: Break Time, at Alab.
Kasama ang Rise for Education UPLB (R4E UPLB), National Union of Students of the Philippines Southern Tagalog (NUSP ST), All UP Academic Employees Union Los Baños (AUPAEU LB), at UP League of Agricultural Chemistry Students, pangunahing layunin ng Ulayaw na ilapit sa mamamayan ang mga kampanya sa edukasyon, at igiit na ang edukasyon ay isang karapatang dapat tinatamasa ng lahat ng Pilipino.
Bibigyang-diin nila ang kahalagahan ng sama-samang pakikibaka at pagkakaisa sa pagharap sa masalimuot na kalagayan ng edukasyon. Bida rito ang mga kultural at musikal na pagtatanghal ng mga bandang Soleana, Lemlunay, Brackish Water, at Point Twenty-Six. Liban dito, maririnig din sina Dylen Solomo ng R4E UPLB, Assoc. Prof. Mariyel Hiyas C. Liwanag, AUPAEU LB Sir Jethro Pugal, Teacher Ruby Bernardo, National Chairperson ng ACT Philippines, at Matt Miclat ng NUSP ST.
Paiingayin naman ng Rock United: Break Time (Rock U) ng UPLB Jocks ang isyu ng food insecurity at kakulangan sa natatamong batayang serbisyo ng mga mag-aaral. Magsisilbing plataporma ang Rock U hindi lang para magbigay aliw, ngunit upang maghatid din ng konsiyertong may malinaw na paninindigang panlipunan.
Kasabay ng mga malalambing na himig nina Suyen, Nameless Kids, at It All Started In May, tampok dito ang mga talumpati ng lider-masa na sina Danilo “Ka Daning” Ramos, lider-pesante at tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, JJ De Chavez, ang tagapagtatag ng Elbiyaya, at Mariton Manalili, lider-estudyante at tagapangulo ng KASAMA sa UP. Kanilang ikikintal ang mga isyung panlipunan na kinakaharap ng iba’t ibang sektor sa Timog Katagalugan, partikular sa mga pesante at kabataan.
Sa pangunguna ng Samahan ng Kabataan para sa Bayan at Kulturang Ugnayan ng Kabataan Alay sa Bayan UPLB (KULAYAN UPLB), pasisiklabin ng Alab ang kamalayang panlipunan at pampulitika sa loob ng pamantasan ng mga mag-aaral, ituro ang demokratikong karapatan ng mga mamamayan, at ipagtanggol ang interes at karapatan ng sambayanang Pilipino. Ilan sa mga kultural na pagtatanghal na tampok dito ang pag-indak ng UPLB Street Jazz Dance Company at Wyre Underground UPLB, Pinoy pop groups na VXON at PIX!E, at ang pinal na pagharana ni Maki.

Bukod sa inaabangang pagtatanghal ng mga artista mula sa mga nasabing programa, magsisilbing plataporma ang unang araw ng FebFair upang ibasura ang mga anti-student na polisiya, pataasin ang pondo para sa sektor ng edukasyon, at paglaban para sa akademikong kalayaan ng bawat estudyante na tunay na nagsisilbi sa pangangailangan at interes ng sambayanan.
Maririnig din ang tinig nina Hon. Dexter Clemente, kasalukuyang rehente ng mag-aaral ng UP System; Kabataan Partlist Representative Atty. Renee Co; JC Ortiz, tagapagsalita ng SAKBAYAN UPLB; Gerald Palma, ang representibo ng Kabataan Partylist Timog Katagalugan, at Jeza Eliang, tagapanguna ng programa ng ALAB.
Makiisa sa FebFair 2026!
Itakda na ang inyong mga kalendaryo at makiisa sa itinatambol na kampanya tungo sa tunay na kalayaan! Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang UPLB February Fair sa Facebook, X, Instagram, at TikTok gamit ang @UPLBFebFair.
