Mananatiling nakadetine sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte matapos pagtibayin ng ICC Trial Chamber III ang pagpapatuloy ng kanyang pagkakakulong kasunod ng isinagawang pagrepaso sa kanyang detention status.
Sa inilabas na pahayag ng ICC, sinabi nitong nananatili ang posibilidad na maaaring tumakas o makahadlang sa proseso ng hustisya ang dating pangulo kung papalayain.
Ayon sa korte, hindi sapat na batayan ang kondisyon ng kalusugan at sinasabing pagbaba ng cognitive capacities na inihain ng kampo ng depensa upang mapawalang-bisa ang mga umiiral na panganib.
“The accused could nonetheless abscond or obstruct justice,” ayon sa ICC, na idiniing walang makabuluhang pagbabago sa sitwasyon na magbibigay-daan sa pagpapalaya kay Duterte, may kondisyon man o wala.
“The Chamber therefore finds no notable change in circumstances that warrant the release of the Accused, with or without conditions,” dagdag pa ng tribunal.
Si Duterte ay kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity na may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga noong siya’y pangulo ng bansa. #




