MANILA, Philippines — Tuluyan nang lumabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Depression Ester nitong Sabado ng umaga, ayon sa 10 a.m. weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA, alas-8 ng umaga nang mamataan ang sentro ng Ester sa layong 540 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang pinakamalakas na hanging aabot sa 45 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 55 kilometro kada oras habang kumikilos pahilagang-silangan sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Bagama’t wala na sa loob ng PAR ang bagyo, nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon dahil sa epekto ng habagat at mga umiiral na kondisyon ng panahon.
Batay sa Heavy Rainfall Outlook na inilabas ng PAGASA alas-11 ng umaga, inaasahang makakaranas ng 50 hanggang 100 milimetro ng ulan mula Sabado hanggang tanghali ng Linggo ang mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, at Zambales.
Samantala, magpapatuloy naman ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Ilocos Norte at Ilocos Sur mula Linggo ng tanghali hanggang Lunes ng tanghali.
Pinapayuhan ng PAGASA ang mga residente sa mga apektadong lugar na manatiling alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng ganitong panganib sa panahon ng malalakas na pag-ulan. #


