Ni Sid Samaniego
Isang kahanga-hangang katapatan ang ipinamalas ng isang tubero mula sa Rosario matapos niyang kusang-loob na isauli ang halagang ₱2,000 na maling naipadala sa kanyang GCash account.
Kinilala ang tapat na tubero na si Jhe Juanino Rodriguez, residente ng Brgy. Bagbag-II, Rosario, Cavite.


Ayon sa kwento ni Jhe, nasa Noveleta siya nang oras na alas-10:24 ng umaga upang ayusin ang isang motor pump sa Noveleta Medical Hospital nang bigla na lamang siyang makatanggap ng e-payment sa kanyang GCash account.
Makaraan ang halos dalawang oras, ganap na alas-12:02 ng tanghali, may tumawag umano sa kanya at nagpaliwanag na nagkamali ito ng pagpapadala. Ang halagang ₱2,000 ay pambili sana ng gamot ng kanyang lola.

Hindi na nagdalawang-isip si Jhe at agad na ibinalik ang buong halaga sa tunay na may-ari.
Ayon kay Jhe, alam niyang pinaghihirapan ang pera at mas lalong masakit kung ito ay para sa gamot ng isang matanda. Kaya naman kahit kailangan din niya ng pera, pinili niyang gawin ang tama.
Umani ng papuri sa social media ang ginawang katapatan ng tubero.
Sa panahong maraming balita ng panloloko at scam, pinatunayan ni Jhe na may mga Pilipino pa ring handang gumawa ng tama kahit walang kapalit.
Sa simpleng halagang ₱2,000, isang malaking aral ang iniwan ni Jhe Juanino Rodriguez na ang katapatan ay hindi nasusukat sa laki ng halaga, kundi sa kabutihang-loob ng tao. #END
