Ni Sid Samaniego
Ipinakita ng mga tauhan ng Police Regional Office (PRO) CALABARZON ang kanilang taimtim na debosyon ngayong Semana Santa matapos makiisa sa tradisyunal na “Pabasa ng Pasyong Mahal” sa St. Michael the Archangel Chapel sa loob ng Camp BGen Vicente P. Lim.

Sa gitna ng kanilang tungkulin sa pagbibigay seguridad sa publiko, pansamantalang isinantabi ng mga pulis ang kanilang uniporme ng aksyon upang magnilay at magdasal.
Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pag-awit at pagbasa ng Pasyon, kanilang ginunita ang hirap, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Hesukristo.



Ayon sa ilang kalahok, ang aktibidad ay hindi lamang tradisyon kundi isang mahalagang pagkakataon upang patatagin ang kanilang pananampalataya at pagkakaisa bilang isang organisasyon.
“Malaki ang naitutulong nito sa aming moral at espiritwal na aspeto, lalo na sa gitna ng aming mabibigat na responsibilidad,” pahayag ng isang personnel.
Ang nasabing gawain ay bahagi ng paggunita ng PRO CALABARZON sa Semana Santa, kung saan layunin din nitong paigtingin ang malasakit, disiplina, at pagkakaisa ng bawat miyembro ng kapulisan.
Sa kabila ng seryosong tungkulin sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pinatunayan ng mga pulis na mahalaga pa rin ang pagbabalik-loob at pananampalataya — isang paalala na sa likod ng badge ay may pusong marunong ding manalig. ##
