KRIMEN SA BANSA BUMABA NG 50% SA ILALIM NG SAFER CITIES INITIATIVE, AYON KAY REMULLA

Iniulat ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na bumaba ng 50 porsyento ang insidente ng krimen sa buong bansa mula nang ipatupad ang “Safer Cities Initiative,” kabilang ang mas mahigpit na pagpapatupad ng curfew para sa mga menor de edad at mga ordinansa para sa kaayusan at seguridad.

Ayon kay Remulla, hindi lamang sa malalaking siyudad nararamdaman ang pagbaba ng krimen kundi maging sa mga lalawigan at bayan sa buong Pilipinas.

“Bumagsak ang krimen by 50 percent sa buong Pilipinas. Hindi lang po sa mga kilalang siyudad, sa malalaking siyudad sa buong Pilipinas,” pahayag ni Remulla.

Binigyang-diin ng kalihim na mahalaga ang maayos na pagpapatupad ng batas at matibay na koordinasyon ng barangay, pulisya at lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.

“We must take back the streets. We must take back our communities. We must promote peace and order. It is everyone’s responsibility,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi rin ng Philippine National Police (PNP) na kapansin-pansin ang tuloy-tuloy na pagbaba ng mga nahuhuling lumalabag, mula sa tinatayang 11,000 hanggang 13,000 sa unang mga araw ng implementasyon hanggang sa mas mababang bilang nitong mga nakaraang linggo.

Ayon kay PNP spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, indikasyon ito ng mas mataas na pagsunod ng publiko sa mga ipinatutupad na polisiya.

“Nakikita natin ‘yung trending ng pagbaba ng apprehensions… Makikita natin ‘yung mataas na compliance ng ating mga kababayan,” ani Tuaño.

Sa datos ng mga pulis sa Metro Manila, umabot sa 185,691 violators ang naitala sa iba’t ibang police districts, kung saan nanguna ang Southern Police District (SPD) na may 56,960 na lumabag.

Patuloy namang iginiit ng pamahalaan na ang kampanya para sa mas ligtas na komunidad ay nakasalalay hindi lamang sa pagpapatupad ng batas kundi sa pakikiisa ng bawat mamamayan. #

PinchLink PH Media's avatar

ByPinchLink PH Media

A Digital news hub for the latest in brands, lifestyle, construction, innovation, business, events, entertainment, community development and good governance.

Leave a Reply

Discover more from PinchLink Media Network

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading