Ipinanawagan ng ilang senador ang pagtanggal o pagbawas ng 12% Value-Added Tax (VAT) sa kuryente upang mapagaan umano ang pasanin ng mga consumer sa tumataas na bayarin sa kuryente.
Sa pagdinig sa Senado, hinimok ang Energy Regulatory Commission (ERC) na pag-aralan ang epekto ng pag-alis ng VAT at iba pang singil na nakadagdag sa buwanang konsumo ng mga kabahayan.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, mabigat na pasanin sa publiko ang dami ng buwis na ipinapataw sa kuryente, habang iginiit naman ni Senator Rodante Marcoleta na dapat ding suriin ang pagbubuwis sa system loss.
Suportado rin ni Senator Imee Marcos ang panukalang bawasan ang VAT upang agad na maibsan ang gastusin ng mga mamamayan.
Samantala, sinabi ng ERC na nakikipag-ugnayan na ito sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa posibleng pagrepaso sa kasalukuyang sistema ng pagbubuwis sa sektor ng kuryente. #
