MANILA, Philippines — Umakyat na sa 1,094 ang kaso ng leptospirosis sa Maynila matapos madagdagan ng 43 bagong kaso, ayon sa Manila Health Department (MHD).
Sa tala ng MHD, nananatili sa 39 ang nasawi mula Enero 1 hanggang Setyembre 9. Iniuugnay ang pagtaas ng kaso sa patuloy na pagbaha dulot ng walang tigil na pag-ulan.
Pinayuhan ang publiko na iwasang lumusong sa baha at agad magpakonsulta kung makaranas ng sintomas matapos ma-expose sa maruming tubig.
Samantala, pumalo na sa 2,782 ang dengue cases na may 10 nasawi, habang nakapagtala rin ng 51 bagong influenza-like illness, isang kaso ng COVID-19, at anim na severe acute respiratory infection (SARI).


